LEGAZPI CITY – Umabot sa mahigit sa 800 mga rescuers at volunteers sa Cessna 340A plane retrieval operation ang binigyang pasasalamat at pagkilala sa isinagawang recognition ceremony ng local government unit ng Camalig.
Mula ang mga ito sa ibat ibang ahensya ng gobyerno na tumulong sa halos dalawang linggong operasyon kabilang na ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Navy, Disaster Risk Reduction and Management Offices, Albay Public Safety and Emergency Management Office at iba pa.
Naging sentro ng seremonya ang pagbibigay ng papugay sa binansagang Magnificent 5 na sina Gerry Nodalo, Jose Obal, Orly Nantes, Marjames MariƱas at Roger Villanueva.
Sila ang mga residenteng tumulong sa operasyon na pinaka-unang naka-akyat at nakakita sa mga bangkay ng apat na biktima.
Binigyan rin ng pagkilala ang nag-iisang babaeng sumama sa pag-akyat sa Bulkang Mayon na si FO2 Maria Salve Revale Buiza Dacuya na hindi alintana ang hirap sa pag-akyat magampanan lamang ang kanyang tungkilin.
Ayon kay Dacuya, bagaman sobrang hirap ang kanilang dinanas sa retrieval operation ipinagpapasalamat naman nito ligtas naman na natapos ang operasyon sa pagtutulongan na rin ng mga rescue teams.
Samantala, nagpaabot rin ng pasasalamat ang mga kaanak ng namatay sa pamamagitan ni Energy Development Corporation President and Chief Operation Officer Richard Tantoco habang nangako naman si Camalig Mayor Caloy Baldo na bibigyan ng trabaho ang mga residenteng tumulong sa operasyon.