Umabot sa 85 katao ang namatay sa pinakahuling pag-atake na ginawa ng paramilitary group sa Sundan na Rapid Support Forces.
Ginawa ng grupo ang pag-atake sa central province sa Sennar nitong nakalipas na linggo at walang-habas na pinagbabaril ng mga ito ang mga residente sa ilang village, habang pinagnanakawan at sinusunog ang mga kabahayan doon.
Kabilang sa mga namatay ay 24 na babae, mga bata at at kabataang hindi kaagad nakalikas matapos mamataan ang paramilitary forces.
Batay sa inilabas na statement ng Sudan Foreign Ministry, maliban sa mahigit 80 na unang nakumpirmang patay ay sunud-sunod ding dinala sa mga pagamutan ang hanggang sa 150 villagers na nasugatan sa naturang pag-atake.
Lumalabas na ginawa ng RSF ang panibagong pag-atake matapos umanong pigilan ng mga residente sa naturang village ang pag-atake ng ilang mga miyembro ng paramilitary group.
Agad gumanti ang naturang grupo at nagpadala ng dose-dosenang truck na kinalululanan ng mga sundalo na may dala-dalang automatic rifle.
Noong June, nilusob ng naturang grupo ang Singa, ang nagsisilbing kapital ng Sinnar province at mula noon ay tuluy-tuloy na ang ginagawang pag-atake roon.
Ito ay kasunod ng peacetalk na nagsimula na nitong nakalipas na lingo sa tulong ng US, Saudi Arabia, Egypt, United Arab Emirates, African Union at ang United Nations.