Dumating na dito sa Pilipinas ang nasa 936,000 na reformulated Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines para sa mga batang may edad na lima hanggang 11 taong gulang.
Ayon sa National Task Force against COVID-19, ang naturang mga bakuna ay binili ng gobyerno gamit ang perang inutang nito sa World Bank.
Sinabi ni NTF COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na nakatanggap na ng kumpletong bakuna ang nasa 593,705 na mga batang may edad na lima hanggang 11 anyos.
Ngunit paglilinaw niya, malayo pa ito kumpara sa target population ng pamahalaan na makapagbakuna ng nasa 15 milllion na mga batang kabilang sa naturang age bracket.
Kaugnay nito ay magugunita na sinabi ng DepEd na bagama’t suportado nito ang bakunahan para sa kabataan na programa ng pamahalaan ay hindi pa rin anila ito gagawing requirement upang mapahintulutan ang mga ito na makilahok sa limited face-to-face classes na ipinaiiral sa bansa.