Isang araw kasunod ng pagsasaya ng Bagong Taon, nasabat ng Taguig City police ang mga ilegal na paputok at fireworks na tinatayang nagkakahalaga ng P94,000.
Nakumpiska kasama ng mga iligal na paputok ang mga improvised explosive device na tinatawag na boga.
Ayon sa hepe ng Taguig city Police station na si Col. Robert Baesa, kinumpiska ang mga paputok at firework mula sa mga tindera na nagbebenta nito sa mga pampublikong lugar.
Aniya, ang mga nakumpiskang pyrotechnics ay sisirain sa isang ligtas na lugar.
Sa kabutihang palad ayon kay Col. Baesa, walang naitalang fireworks-related injuries sa Taguig.
Maaalala, sumampa pa sa kabuuang 443 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok base sa datos ng DOH mula December 21, 2023 hanggang kahapon, January 2.
Kinumpirma din ng DOH ang unang kaso ng stray bullet injury na isang 23 anyos na lalaki mula sa Davao region na tinamaan sa itaas na kaliwang parte ng kaniyang likod at unang nasawi na isang 38 anyos na lalaki mula naman sa Ilocos region matapos na magsindi ng sigarilyo habang nakikipaginuman malapit sa nakaimbak na mga paputok. (With reports from Everly Rico)