Iniulat ni Ukrainian presidential staff head Andriy Yermak sa ginaganap na World Economic Forum 2023 sa Davos Switzerland na pumapalo na sa mahigit 9,000 sibilyan kabilang ang 453 bata ang napatay sa Ukraine simula ng maglunsad ang Russia ng full-scale invasion noong Pebrero ng nakalipas na taon.
Ayon pa sa senior presidential aide, nakapagtala ang Ukraine ng 80,000 crimes na na-commit ng Russian forces sa kasagsagan ng invasion.
Sa virtual remarks ng Ukraine official, hinimok nito ang international community na bumuo ng Special International Tribunal para panagutin ang liderato ng Russia para sa “crime of aggression” nito dahil wala aniyang hurisdiksiyon dito ang International Criminal Court (ICC).
Umapela din ito sa pagbuo ng mekanismo para sa kumpiskahin ang assets ng Russia para bayaran nito ang pinsala dulot ng giyera.
Hindi aniya ganap na makakamit ang tagumpay nang hindi naaabot ang hustisiya kung saan ang mga guilty ay dapat na mapanagot at ang mga pinsala ay dapat bayaran at pigilan na maulit ang krimen. Sa kanilang kaso, ang hustisiya aniya ay maaabot sa pamamagitan ng paglilitis sa mga nakagawa ng war crimes.