Iniulat ng Bureau of Customs at Department of Agriculture na aabot sa mahigit siyam na milyong kilo ng bigas o katumbas ng 356 container vans ang nakaimbak ngayon sa pantalan sa Maynila.
Ayon sa dalawang ahensya, posibleng hinihintay lamang ng mga rice importers ang tamang pagkakataon para ilabas ito.
Kabilang rito ang muling pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado bago nila kunin ang bulto ng bigas sa pwerto.
Una nang sinabi ng Philippine Ports Authority na mayroon lamang 30 araw na palugit ang mga rice importers para kunin ang mga container na naglalaman ng bigas.
Kapag lumagpas ito sa itinakdang panahon ay tuluyan na itong idedeklarang abandoned.
Naniniwala naman ang BOC , na sinasamantala ng mga rice importers ang naturang regolasyon sa pag-iimbak ng bigas sa mga pwerto.
Batay sa datos ng DA, maglalabas ng data ang PPA hinggil sa mga container vans na nakatakdang kumpiskahin dahil lumagpas na ito sa 30-day period.
Kaugnay nito ay nanawagan ang grupong Bantay Bigas na imbestigahan ang posibleng manipulasyon at hoarding ng bigas sa ganitong pagkakataon.