Napilitan nang lumikas ang humigit-kumulang isang milyong katao sa China matapos manalasa roon ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo ngayong taon – Typhoon Yagi.
Dala ng naturang bagyo ang paghangin na umaabot sa 245 kph malapit sa gitna, kasama ang mga mabibigat na pag-ulan.
Dahil sa epekto ng bagyo, kinailangan nang lisanin ng mga mamamayan ang kanilang tahanan at manatili sa mga evacuation center. Sa Hainan Province, mahigit 420,000 katao ang sumailalim sa relocation.
Sa Guangdong Province naman, mahigit kalahating milyong katao na ang kinailangang magtungo sa mga evacuation center.
Kahapon, nag-landfall ang naturang bagyo sa Hainan at sa loob ng ilang oras ay nanalasa ito sa buong probinsya.
Kabilang sa mga iniwan ng bagyo ay ang tuluyang pagkawala ng power supply sa maraming komyunidad, pagkabuwal ng maraming mga puno at poste ng kuryente, pagguho ng ilang gusali at lupa, at biglaang pagbaha sa mga kabahayan.
Ilang katao na rin ang napaulat na nasugatan at kasalukuyang ginagamot sa mga ospital.
Ang typhoon Yagi ay ang bagyong Enteng na unang nanalasa sa Pilipinas ngayong lingo na naka-apekto rin sa daan-daang libong katao at nag-iwan ng 16 na kumpirmadong patay.