Pumalo sa mahigit kalahating bilyon ang naitalang kita ng bansa sa hosting ng 30th Southeast Asian Games (SEAG).
Ayon kay Tourism Sec. Bernadette Fatima Romulo-Puyat, inisyal na data pa lamang ito na kanilang nakalap at maaari pang lumobo kapag pumasok ang data mula sa iba pang tanggapan.
Nabatid na libu-libong atleta ang nagtungo sa Pilipinas para makibahagi sa naturang aktibidad.
Bukod dito, bumuhos din ang mga kaanak at tagasuporta ng mga manlalaro at bansang kalahok sa biennial sporting event.
Sa pagtaya ni Romulo-Puyat, malaki pa ang iaakyat ng revenue figure dahil maraming turista ang nagpasyang manatili sa bansa at mamasyal mula matapos ang makulay na closing ceremony kagabi sa New Clark City, Capaz, Tarlac.
Ilang delegado ang nakapanayam ng Bombo Radyo na nagsabing babalik-balikan nila ang Pilipinas matapos maranasan ang mainit na pagtanggap ng ating mga kababayan, bukod pa sa masasarap na pagkain at magagandang lugar na narito.