Tinataya ng National Food Authority (NFA) ang mahigit sa kalahating bilyong kita mula sa mga naibenta nitong bigas ngayong 2024.
Yan ay makaraang aprubahan ng NFA council ang price hike na P38 kada kilo ng bigas na ibinibenta sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensya ng gobyerno.
Sinabi ng NFA, pinayagan ng DSWD na miyembro rin ng council ang nasabing halaga ng produkto.
Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na makatutulong ito para maibsan ang pagkalugi ng NFA at magkaroon ng dagdag na pondo upang makabili pa ng mas maraming palay mula sa mga magsasaka.
Tiniyak naman ni NFA Administrator Larry Lacson na ang pagtaas ng presyo sa DSWD, pati na rin sa iba pang mga ahensya ay hindi makakaapekto sa presyo ng bigas sa merkado.
Ang anumang polisiya anila ay dumaan sa angkop na konsultasyon at pag-apruba ng mga angkop na tanggapan.