LAOAG CITY – Isang plastic pack ng shabu ang natagpuang palutang-lutang sa dagat sa Brgy. Bobon sa bayan ng Burgos dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay P/Capt. Jenny Lingan, hepe ng Philippine National Police ng Burgos, ang mga nakita na shabu ay tumitimbang ng 997.62 gramo at tinatayang nasa P7 milyon ang halaga.
Aniya, nakita ng mangingisda na si Johnny Zamora ang plastic pack ng shabu na lumulutang sa dagat 12 nautical miles mula sa dalampasigan.
Paliwanag niya, agad na itinurn-over ng mangingisda sa Provincial Forensic Unit kung saan nakumpirmang positibong shabu ang laman ng plastic pack.
Kaugnay nito, sinabi ni P/Capt. Lingan na ang nasabing plastic pack ng shabu na natagpuan dito sa Ilocos Norte at ang mga shabu na nakuha sa Ilocos Sur na nagkakahalaga ng 6.7 million pesos ay parehong may Chinese markings.
Idinagdag niya na ang plastic pack na natagpuan ay kulay light blue na may markang “Cai Yu Lin” at pulang Chinese character.
Samantala, plano ng Philippine National Police na bigyan ng reward ang nabanggit na mangingisda na nakakita ng milyun-milyong halaga ng shabu.