-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nasamsam ng mga kapulisan ang mahigit kumulang P1.7-M na halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isang miyembro ng LGBTQ sa pamamagitan ng isinagawang drug buybust operation ng Station Drug Enforcement Team (SDET) sa Barangay V, Roxas City.

Kinilala ang suspek na si Richard Ferrer alyas ‘Cherry’, 38-taong gulang, residente ng Barangay Tiza, ng nabanggit na lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lieutenant Colonel Francisco Paguia, hepe ng Roxas Component City Police Station, hindi nila inaasahan ang bulto-bultong sachet ng pinaniniwalaang shabu ang makukuha ng otoridad sa suspek dahil itinuturing lamang itong street level individual (SLI).

Naaresto si Ferrer, matapos nabilhan ng isang sachet ng suspected shabu sa pamamagitan ng pagpanggap ng isang pulis bilang poseur-buyer kapalit ng P2,000 na buybust money.

Pahayag pa ni Paguia, na matagal ng minomonitor ng kapulisan ang galaw ni Ferrer matapos silang makatanggap ng impormasyon na nagsisilbi itong source at bilihan ng iligal na droga sa lugar kung saan karamihan sa mga parukyano nito
ay pawang mga estudyante.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Samantala, maituturing na malaking accomplishment sa hanay ng Roxas City PNP ang pagkadakip sa suspek dahil napigilan nilang maipuslit ang ganuong karaming iligal na druga sa lugar.