Naabot ang ‘all-time high’ na halaga ng mga investment sa bansa ngayong taon, matapos makapagtala ng hanggang sa P1.16 trillion na halaga ng mga pamumuhunan sa bansa.
Ang naturang record ay ang pinakamataas nang naitala na investment sa loob ng 56 years na kasaysayan ng ahensiya.
Nalagpasan kasi ng Board of Investments’ (BOI) ang dati nitong record na P1.14 trillion na naitala noong 2019 o bago ang pagpasok ng pandemya.
Ito na rin ang ikatlong pagkakataon sa kasaysayan ng ahensiya na nalagpasan nito ang isang trilyon na halaga ng mga investment approval sa buong Pilipinas.
Ang naitala ng ahensiya na mahigit sa isang trilyong piso ngayong taon ay 59% na mas mataas kumpara sa naitala noong nakalipas na taon. Umabot lamang kasi noon sa P729.1 billion ang inaprubahan ng ahensya.
Sa ilalim ng mga naaprubahang pamumuhunan, inaasahan namang makapagbibigay ito ng 47,195 na trabaho para sa mga Pilipino, oras na naging operational na ang mga ito.
Una nang sinabi ng ahensya na makakatulong ng malaki ang mga naunang biyahe ni PBBM sa labas ng bansa, dahil sa mas maraming pamumuhunan at commitment ang ipinapangako ng mga malalaking kumpanya na nagnanais mamuhunan sa Pilipinas.