Nasira ang mahigit P1.4 billion na halaga ng mga agricultural products sa probinsya ng Cagayan dahil sa sunod-sunod na pananalasa ng mga malalakas na bagyo.
Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, inaasahang lalo pang tataas ang naturang halaga dahil sa tuluyang pag-landfall ng supertyphoon Ofel kahapon at ang banta ng bagyong Pepito.
Kabilang sa mga pangunahing naapektuhan ay ang mga palayan, maisan, at iba pang mga industriya.
Ayon kay Mamba, tuloy-tuloy ang ginagawang assessment sa pinsalang iniwan ng mga magkakasunod na bagyo ngunit nagiging pahirapan dahil sa halos walang-tigil na pag-ulan, at ilang araw lamang na pagitan sa tuluyang pagtama ng mga naturang bagyo.
Batay sa record ng probinsya, mula 70 hanggang 80% ng kabuuang populasyon ng Cagayan ay pawang mga magsasaka at mga mangingisda.
Ang naturang probinsya rin ang nagsisilbing isa sa pinakamalaking producer ng bigas, mais, at iba’t-ibang high value commercial crops sa buong bansa.