Nagdulot ng pinsala sa sektor ng agrikultura ang pagsabog ng bulkang Kanlaon.
Ayon kay Department of Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, base sa pinakabagong damage assessment, pumalo na sa P1.39 million ang halaga ng pinsala ng mga aktibidad ng bulkan.
Bunsod nito, apektado ang nasa 40 magsasaka at karamihan sa kanila ay rice farmers.
Base naman sa datos ng DA-Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center, ang halaga ng nawala sa produksiyon ng bigas ay nasa PHP620,280, sinundan ito ng high-value crops at mga saging na nasa PHP420,400 at maisan na nasa PHP349,320.
Sa produksiyon naman ng tubo, base sa report ng Sugar Regulatory Administration, inisyal na 10,000 hanggang 15,000 metric tons ang production volume loss.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng DA official na hindi magreresulta ang epekto ng pagsabog ng bulkan sa agrikultura sa pagsipa ng mga presyo ng mga pangunahing agri products.
Samantala, nakapagbigay na aniya ng paunang tulong o mga interbensiyon ang pamahalaan para sa mga apektadong magsasaka.