Umaabot na sa mahigit P100 billion ang naitalang pagkalugi ng mga negosyo sa National Capital Region (NCR), sa loob lamang ng unang linggo ng pinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez, posibleng tumaas pa ito kaysa sa mga unang pagtaya, dahil maliban sa mga isinarang tanggapan, may mga sakop na rin ng dapat ay pinapayagan, ngunit may mga tauhan namang tinamaan ng sakit.
Bagama’t batid umano nilang ang intensyon ng ECQ ay para malimitahan ang hawaan, hindi na aniya kakayanin ng bansa ang pagpapalawig pa ng ganitong restrictions.
Gayunman, pinaghahandaan na rin daw nila ang worst case scenario, para maiakma ang pagtugon sa problema.
Nais ni Sec. Lopez na hindi lubos na masakripisyo ang ekonomiya, habang pinalalakas ang hakbang laban sa pagkalat ng sakit.
Sa kabuuang epekto, tinataya ng economic managers na lalagpas sa P200 billion ang magiging pagkalugi sa lockdown na tatagal hanggang sa Agosto 20, 2021.