BACOLOD CITY – Dumagsa ang mga investors sa opisina ng RGS World Marketing Corporation sa Barangay Pahanocoy, Bacolod City sa pag-asa na makatanggap ng pay out sa perang pay-in sa nakaraang buwan.
Ang ibang mga investors ang pumila sa opisina ng RGS mula kaninang umaga matapos mangako ang founder na si Rodolfo Garcia Salarda na ngayong araw Abril 23, ang pay out.
Sinabi ng isang investor na nakausap ng Bombo Radyo Bacolod, alas 06:00 pa ng umaga siya pumila sa RGS dahil mayroon itong priority number na ibinigay at 30 katao ang ma-accommodate ngayong Biyernes.
Ayon dito, P1,000 ang una niyang in-invest at nakatanggap ito ng P3,500.
Nag-pay in ulit siya hanggang umabot sa P170,000 dahil naniniwala ito sa pangako ni Salarda na triple ang magiging pay-out nito.
Sinabi pa nito, ibabayad sana niya sa bahay ang P170,000 ngunit inuna niya ang pag-invest.
Ilang buwan ang nakalipas, wala ng pay-out na isinagawa ang RGS.
Noong Sabado, pumunta ang mga investor sa bahay ni Salarda ngunit nag-iimpake na ito paalis sa Bacolod.
Hanggang ngayon, hindi na nagpapakita si Salarda.
Ani investor, nakatanggap sila ng impormasyon na hindi makakapag-pay-out ang RGS dahil may conflict sa founder at isa sa mga team leader na kumare rin nito.
Panawagan ng mga investors, huwag silang idamay sa personal na away ni Garcia at ng team leader.
Sa ngayon, sarado na ang opisina ng RGS at hindi na makontak ang founder nito.
Sinasabi rin na hindi bababa sa P100 million ang tinangay ni Salarda.