Mayroong nakahandang P15.507 billion calamity fund na maaaring gamitin ng mga ahensiya ng gobyerno para maibsan ang negatibong epekto ng dry spell dulot ng El Niño na nakakaapekto sa iba’t ibang probinsiya sa bansa ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman.
Simula aniya ng mag-umpisa ang 2024, mayroon ng P4.99 billion ang nailabas mula sa kabuuang P20.5 billion na alokasyon sa ilalim ng pambansang pondo ngayong taon.
Ayon pa sa ahensiya, ang available calamity fund balance ay nagmula sa 2024 national budget at ang nalalabi naman ay sa appropriations mula sa nakalipas na taon.
Kabilang din dito ang P1 billion nakalaan para sa parametric insurance coverage ng mga pasilidad ng pamahalaan laban sa mga kalamidad.
Maaari ring gamitin ng piling mga ahensiya ang kanilang built-in quick response fund para sa pagtugon sa epekto ng weather phenomenon.
Saklaw dito ang mga first response agencies tulad ng Departments of Agriculture, Education, Health, Interior and Local Government, Public Works and Highways, Social Welfare and Development at Transportation.
Maliban sa calamity fund, naglaan din ang pamahalaan ng P4.5 billion para sa crop insurance program ng PH Crop Insurance Corp.
Po-pondohan nito ang finance crop insurance premiums ng 2.3 million kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.