Pumalo na sa kabuuang Php173.58 million ang katumbas na halaga ng mga pananim na palay at mais sa Negros Occidental na napinsala nang tagtuyot nang dahil sa nararanasang matinding init ng panahon.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas sa Office of the Provincial Agriculturist, mula noong Nobyembre 2023 hanggang Abril 12, 2024 ay umabot na sa 3,241 ektarya ng sakahan ng palay at mais mula sa 24 na lokal na pamahalaan sa naturang lalawigan ang apektado ng drought.
Dahil dito ay apektado rin ang kabuhayan ng nasa 4,431 na mga magsasaka sa 167 barangay sa Negros Occidental.
Ayon kay Office of the Provincial Agriculturist officer-in-charge Dina Genzola, nagsumite na ang kanilang tanggapan ng updated damage report Kay Governor Eugenio Jose Lacson na una nang namahagi ng cash assistance para sa mga apektadong magsasaka.
Samantala, sa ngayon ay patuloy naman ang ginagawang pagsusumikap ng pamahalaan para tugunan ang matinding epekto ng El Niño phenomenon sa ating bansa, partikular na sa food security at kabuhayan ng marami sa ating mga kababayan.