-- Advertisements --

Nakumpiska ang nasa mahigit P20 billion halaga ng mga ilegal na droga sa ikinasang “bloodless” operation ng mga awtoridad sa buong bansa mula Enero hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.

Inanunsiyo ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil nitong Linggo na nasa P20.7 billion narcotics ang nakumpiska sa nagpapatuloy na kampaniya kontra ilegal na droga. Ito ay 101% na mas mataas kumpara noong nakaraang taon.

Kabilang sa mga nasabat na ilegal na droga ay shabu, marijuana, ecstasy, cocaine, ketamine, at kush.

Sa ikinasang mahigit 46,000 operasyon, nasa 57, 129 indibidwal ang naaresto.

Ang police units na may pinakamaraming nakumpiska ay ang Calabarzon Police Regional Office ( PRO 4A) na nasa P9.9 billion halaga ng illegal drugs at PNP – Drug Enforcement Group na nasa P2.4 billion.