-- Advertisements --

Tinatayang aabot sa mahigit P200 million ang pinsalang iniwan ng magnitude 6.1 na lindol sa mga kalsada, tulay, dike at gusali sa Pampanga at Metro Manila.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Public Works Sec. Mark Villar na nagsagawa sila ng aerial inspection sa Pampanga kaninang umaga kung saan nakita ang mga nasirang istruktura.

Pampanga earthquake porac

Ayon kay Sec. Villar, kabilang sa mga napinsala ang Consuelo Bridge sa Floridablanca na hindi pa maaaring daanan sa ngayon habang bahagyang nasira rin ang Mancatin Bridge, Valdez Bridge at San Pedro Bridge pero passable na.

May portion naman daw na bumigay sa Sasmuan-Lubao Road, gayundin ang mega dike sa Bacolor habang gumuho naman ang arko sa Dinulpian, Pampanga.

Inihayag ni Sec. Villar na pinakamatinding napinsala sa Metro Manila ang Emilio Aguinaldo College (EAC) matapos bumigay o sumandal ang isang pader sa kabilang gusali.

Sa ngayon, pinamamadali na umano ang assessment para agad maisaayos ang mga napinsalang istruktura.