Umabot na sa P203.38 million ang naitalang danyos na iniwan ng pinagsamang epekto ng bagyong Carina at Habagat sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling datus na inilabas ng DA-DRRM Operations center, naapektuhan ang mga palayan, maisan, at taniman ng mga high value commercial crops sa ibat ibang bahagi ng bansa, dahil na rin malawakang pagbaha.
Kinabibilangan ito ng 10,688 ne ektarya ng mga taniman habang umabot na rin sa 2,574 metriko tonelada ng mga pananim ang nasira.
Umabot na rin sa 9,198 magsasaka ang naapektuhan, ayon pa rin sa DA.
Ang mga ito ay nakuha mula sa mga DA Regional Field Offices (RFOs) sa Central Luzon, Mimaropa, Western and Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Caraga regions.
Patuloy naman ang ginagawang field validation ng DA ukol sa epekto ng bagyo, habang tuloy-tuloy din ang pagpasok ng dagdag na report mula sa mga field office nito.
Una ng tiniyak ng ahensiya ang nakahandang tulong na ipapamahagi sa mga biktimang magsasaka.