Aabot sa mahigit Php21-million na halaga ng tinamong pinsala ng sektor ng agrikultura sa naging pananalasa ng Bagyong Aghon sa Pilipinas.
Batay sa inilabas na monitoring update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, papalo sa kabuuang Php21,651,548 ang halaga ng iniwang Agricultural damage ng naturang bagyo sa bansa.
Sa datos, nasa kabuuang 369 na mga magsasaka at mangingisda ang tinatayang lubha rin na naapektuhan ng nasabing sama ng panahon matapos masira rin ang aabot sa 292.9 hectares ng mga pananim, gayundin ang mga napinsalang livestock, poultry, at fisheries na tinatayang may katumbas na halaga na aabot sa Php448,300.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ng pamahalaan na magpapatuloy pa rin ang kanilang mga ipinaaabot na tulong para sa mga indibidwal na naapektuhan ng nagdaang kalamidad partikular sa mga nasa industriya ng agrikultura upang matulungang muling makabawi ang mga ito sa kanilang mga nawasak na kabuhayan nang dahil sa Bagyong Aghon.