Nagpadala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng mahigit P21,000 relief packs para sa mga biktima ng magkakasunod na bagyo sa Northern Luzon.
Malaking bahagi nito o katumbas ng 13,000 packs ay mapupunta sa probinsya ng Cagayan habang ang iba ay sa probinsya ng Apayao (CAR), Isabela, at Ilocos Norte (Ilocos Region).
Ayon kay PAGCOR Chairperson and CEO Alejandro Tengco, ang Office of Civil Defense (OCD) na ang bahalang mamahagi sa naturang supplies.
Susundan din ito ng karagdagan pang relief item na ibibigay sa mga inilikas na residente sa gitna ng pananalasa ng Super Typhoon Pepito.
Ayon kay Tengco, pinipilit din ng PAGCOR na tugunan ang request ng mga lokal na pamahalaan na limitado na ang budget para sa relief and humanitarian operations dala na rin ng sunud-sunod na pagpapalikas at pamamahagi ng supplies sa mga nakalipas na linggo.
Ayon pa sa PAGCOR chief, magpapatuloy ang pagsuporta ng ahensiya sa mga lokal na pamahalaan habang inaalalayan ang mga biktima na bumangon mula sa epekto ng bagyo.