-- Advertisements --

Mahigit P272-M halaga ng shabu kinumpiska sa La Union; 2 drug suspect, arestado

LA UNION – Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa dalawang drug suspect na hinuli kahapon sa isinagawang buy bust operation sa isang safe house sa Barangay Poro, San Fernando City, La Union.

Nasa custodial facility ngayon ng PDEA-La Union ang dalawang suspek na nakilala sa pangalang Romel Layse y Saraga, 38-anyos, tubo ng Bantay, Cebu City, Cebu at John Paun Rupuesto, 18-anyos, nagsisilbing caretaker at residente ng Quezon Negros Occidental.

Sa naturang operasyon, kinumpiska ng mga anti-narcortics operatives ang 40 kilograms ng shabu na umano’y nagkakahalaga ng mahigit sa P272 million, kabilang ang buy bust money na 3 million boodle money, cellular phones, iba’t ibang identification cards, at mga dokumento.

Ang mga iligal na droga ay inilagay sa mga pakete na kagaya sa chinese tea.

Ang anti-illegal drug operation na isinagawa bandang alas 12:30 ng tanghali kahapon ay pinangunahan ng PNP Drug Enforcement Group-Special Operations Units (PDEG-SOUs) at La Union Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) kasama ang iba pang law enforcement agencies.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong may kaugnayan sa paglabag sa RA 9162 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kung pagbabasehan sa record, ito ang itinuturing na pinakamalaking anti-drug operaration sa kasaysayan ng La Union maliban sa nadiskubreng shabu lab noong July 09, 2008 sa Barangay Bimmotobot Naguilian La Union na ikinahuli din noon ni Pol. Supt. Dionisio Borromeo, na dating chief of police sa Dagupan City, Pangasinan.

At sa naturang shabu lab, aabot sa P27 million na halaga ng mga raw chemicals at equipments na ginagamit sa paggawa ng droga ang sinamsam ng mga otoridad, ngunit sa kanilang pagtantiya, aabot sa multi-trillion pesos ang halaga ng mga illegal drugs partikular ang shabu ang kayang i-produce ng naturang laboratoryo.