Kakailanganin ng mahigit P3.6 billion para sa pagkumpuni at muling pagtatayo ng mga nasirang paaralan dahil sa bagyong Kristine.
Ayon sa Department of Education (DepEd), tinatayang nasa P3.7 billion ang halaga ng pinsala sa mga paaralan at iba pang imprastruktura na ginagamit sa sektor ng edukasyon.
Sa mga napinsalang ari-arian, nasa P2.9 billion ang kailangan para sa muling pagtatayo habang P737.5 million naman para sa malakihang pagkumpuni.
Samantala, nakapagtala din ang Disaster Risk Reduction and Management System ng DepEd ng 888 paaralan na nalubog sa baha o naapektuhan ng landslide habang mahigit 1,000 paaralan naman ang pansamantalang ginamit bilang evacuation centers sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Education Secretary Sonny Angara na may nakalatag na komprehensibong recovery plan para matiyak na maipagpapatuloy ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral sa lalong madaling panahon.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa mga lokal na komunidad, school officials at regional offices para sa pagbibigay ng kailangang mga resource at suporta para sa mga estudyanteng naapektuhan ng kalamidad.