-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng kapulisan at pamunuan ng Ilocos Sur Provincial Hospital Gabriela Silang sa suspect na tumangay sa P330,000 na pera ng ospital.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Dra. Trina Tabboga Talaga, chief of hospital ng Gabriel Silang, agad silang nagpasaklolo sa mga otoridad upang imbestigahan ang pagkawala ng perang inilagay sa isang steel cabinet sa opisina ng cashier.

Aniya, apat hanggang limang tao ang may hawak ng susi ng opisina kung saan naroon ang pera at posibleng isa sa kanila ang tumangay ng pera dahil wala umanong senyales na pwersahang pinasok ang nasabing opisina.

Sa ngayon hinihintay ng pamunuan ng ospital ang magiging imbestigasyon ng Vigan City Police Station at gayundin ang isasagawang audit ng Commission on Audit at pagkatapos ay magsasampa sila ng kasong administratibo laban sa suspek.