Binigyang diin ng Department of Energy (DOE) na nakapagtipid ang gobyerno ng mahigit P300 milyon sa kuryente at P25 milyon sa gastusin sa gasolina noong nakaraang taon.
Ito ay dahil sa isang patakaran na naglilimita sa pagkonsumo ng gasolina at enerhiya sa mga ahensya.
Ayon sa DOE, ang pagpapatupad ng Government Energy Management Program (GEMP) ay nagresulta sa pagtitipid ng mahigit 30 milyong kilowatt hours (kWh) ng kuryente at 386,083.59 litro ng gasolina noong 2023.
Ang nasabing programa, na pinangangasiwaan ng Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee, ay naglalayong bawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina ng gobyerno ng hindi bababa sa 10 porsiyento sa pamamagitan ng mga estratehiya sa energy efficiency and conservation (EEC).
Sa kasalukuyan, sa paglagda sa Administrative Order (AO) No. 15, na magpapabilis sa pagpapatupad ng programa, nakikita ng ahensya ang halos P2 bilyon na matitipid para sa parehong kuryente at gasolina.
Pinapahusay ng Administrative Order 15 ang pagpapatupad ng Republic Act No. 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation (EEC) Act sa mga entity ng gobyerno sa ilalim ng executive branch.
Kabilang ang government-owned and controlled corporations (GOCCs), government financial institutions (GFIs), ang kanilang mga subsidiary , at state universities and colleges (SUCs).
Sinabi ng DOE na ilalabas nito ang implementing guidelines ng nasabing kautusan sa loob ng 30 araw mula sa bisa nito.