TUGUEGARAO CITY- Nagpapasalamat at natutuwa ang Ang NARS Party-list sa pagkatig ng Supreme Court na tama ang batas na mabigyan ng P30,570 na sahod ang mga nurse sa bansa sa government health institutions.
Gayunman, sinabi ni Ang NARS Party-list Representative Leah Paquiz na hindi mapipilit ng SC ang pamahalaan na ibigay ang nasabing sahod maliban lamang kung may hiwalay na batas para mabigyan ito ng budget.
Dahil dito, sinabi niya na may mga plano na silang mga hakbang na ayaw nitong banggitin para maibigay sa mga nurse ang nasabing sahod.
Ang batas na nagbibigay ng mahigit sa P30,000 na entry level salary sa mga nurse ay ipinasa noong 2002.
Subalit, hindi ito ipinatupad ng pamahalaan dahil sa hindi umano kakayanin ng budget ng bansa.
Dahil dito, naghain ng petisyon ang Ang NARS Party-list sa SC noong 2015 upang magkaroon ng mas matibay na basehan na tama ang batas at dapat itong ipatupad.