BUTUAN CITY – Umabot sa P34, 333,157.51-sentabos na halaga ng ilegal na druga ang matagumpay na sinunog kanina sa broiler ng Orgon Wood Industries Inc. sa Sitio Bingkilan, Brgy. San Vicente nitong lungsod ng Butuan.
Ito ay kinabibilangan ng shabu, marijuana, ecstacy, cocaine at iba pa na nakumpiska sa mga anti-illegal drug operations ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Regions 11, 12 at 13 o Caraga Region, na ginamit na mga ebidensya sa korte atg nadesisyunan na.
Ayon kay PDEA-Caraga spokesperson Dindo Abellanosa, na-isyuhan na ng certificate of destruction ang naturang mga illegal drugs kasama na dito ang 4,209.0144-gramo ng shabu at 47,598.9744-gramo naman ng marijuana.
Dagdag pa ng opisyal, ginawa muna ang random test sa nasabing mga illegal drugs upang malaman kung genuine ang mga ito at saka sinunog.
Layunin ng destruction na ipapakita sa lahat ang katotohanan sa kanilang layunin upang mawala na ang pagdududa ng taumbayan na kanila pa itong ni-recycle upang muling maibenta.