Naglaan ang House of Representatives ng P39.8 billion para sa pagpopondo ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa panukalang pondo sa 2025.
Ayon kay House appropriations panel chairman Zaldy Co, ang naturang halaga ay mas mataas ng 3 beses kumpara sa kasalukuyang pondo ngayong 2024 para sa naturang programa na nasa P13 billion kung saan nakakatanggap ng tulong pinansiyal ang mga kumikita ng P21,000 pababa kada buwan.
Aniya, pumayag ang komite na taasan ang pondo para sa AKAP dahil sa panawagan na rin ng publiko.
Sinabi din ni Co na ang panukalang pondo para sa AKAP sa susunod na taon ay kabilang sa P292 billion na halaga ng 11 social programs.
Matatandaan na inaprubahan na noong Setyembre sa ikatlo at huling pagbasa ang 2025 General Appropriations Bill na nagpapanukala ng P6.352 trillion na pambansang pondo para sa susunod na taon.