-- Advertisements --

LAOAG CITY – Umabot sa halos limang milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga otoridad dito sa lalawigan ng Ilocos Norte mula sa isang drug courier na taga Quezon City.

Ito ay matapos ang isinagawang drug buy-bust operation sa bahagi ng Barangay Balacad dito sa lungsod ng Laoag.

Kinilala ni Ilocos Norte Provincial Director Police Col. Christopher Abrahano ang suspek na si Ronald Melchor y Gonzales, 39, tubo sa Batac City pero kasalukuyang naninirahan sa Barangay Pansol, Quezon City.

Una rito, nagbenta ang suspek ng shabu sa isang pulis na nagsilbing poseur-buyer na nagkakahalaga ng isang milyong piso, at sa loob ng kotse ni Melchor ay nakuha nila ang 19 na malalaking sachet ng shabu ng nagkakahalaga ng mahigit 4-milyong piso, maliban pa sa 995,000 pesos na boodle money.

Naniniwala ang provincial director na mayroong pang mas malalaking net worth at ito ang imbestigahan nilang mabuti.

Samantala, sinabi ng suspek na nagtungo dito sa lalawigan para magtrabaho bilang karpintero at ang ginamit niyang kotse ay inarkila lamang niya.

Dagdag niya na hindi niya alam na droga ang laman ng padala na ibinigay lamang sa kanya.