-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Umaabot ng mahigit P53-million ang kabuuang danyos sa sektor ng agrikultura mula sa Region I, II, III, Cordillera Administrative Region, bunsod ng pananalasa ng Bagyong Egay sa kalakhang bahagi ng Northern Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Elvin J. Austria Laceda, National President ng Young Farmers Challenge Club of the Philippines, sinabi nito na aasahan pa ang pagtaas nito dahil sa patuloy pa rin na pag-ulan at dahil na rin sa maagang nagtanim ang mga magsasaka dulot ng itinaas na El Niño warning kaya karamihan sa mga naperwisyong pananim, gaya na lamang ng mga palay, ay mga nakatakda na sanang anihin ng mga magsasaka.

Aniya na bagamat nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Egay ay mas malaki pa ang inaasahang damages sa sektor ng pagsasaka lalo na sa mga lalawigan na labis na napinsala gaya na lamang ng Cagayan Valley at Ilocos Norte na nakaranas ng labis na pagbuhos ng ulan at pagbaha.

Saad nito na ito na ang pinakamaulang Hulyo sa buong kasaysayan ng Ilocos Norte na nakaranas ng pagbagsak ng pagulan na umaabot sa 400mm sa iisang araw lamang, kaya naman ay labis na naapektuhan ang food production ng bansa.

Dagdag pa ni Laceda na bagamat inaasahan na makakabangon ang mga magsasaka ay isang malaking kawalan ang pinsala na natamo ng mga sakahan sa pagbayo ng malalakas na hangin at tuloy-tuloy na mga pag-uulan.