Umabot sa mahigit P61 million pesos na halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Cebu City Police Office sa ikinasang operasyon nitong lungsod mula Hulyo hanggang Setyembre 30 ng kasalukuyang taon.
Sa datos na inilabas, nasa 611 katao ang arestado mula sa 554 na operasyon na humantong sa pagkumpiska ng nasa 8,992.58 na gramo ng shabu at 51.50 na gramo ng marijuana na may kabuuang halaga na P61,155,724.
Inihayag ni CCPO Deputy City Director for Operations Plt Col Ma. Theresa Macatangay na hindi source kundi ‘transit point’ umano ang lungsod sa mga transaksyon ng iligal na droga.
Sinabi pa nito na maituturing na parang magnet ng iba’t ibang transaksyon ang lungsod sa parehong lehitimo at hindi lehitimo dahil pa umano sa influx dito.
Kaya naman, sinabi ni Macatangay na mas pinalakas pa ang kanilang pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno sa paglaban sa iligal na droga.
Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang stakeholders.
Hiling naman nito ang kooperasyon ng publiko at binigyang-diin na hindi makakamit ng isang lugar ang peace and order kapag hindi magtutulungan ang lahat.
Dapat din aniyang ituring na responsibilidad ito ng lahat para ligtas na mapangalagaan ang lungsod mula sa anumang uri ng kriminalidad.