-- Advertisements --

Idineklara ni President-elect Ferdinand Marcos Jr sa kaniyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) na nasa kabuuang mahigit P623 million ang halaga ng nagastos nito sa kaniyang kampaniya sa nakalipas na May 2022 elections.

Isinumite ng legal counsel ni Marcos ang knaiyang SOCE sa Commission on Elections (Comelec) na nagsasaad na nasa kabuuang P623,230,176.68 ang total expenditures nito sa nagdaaang halalan.

Nauna ng nagdeklara ang partido Federal ng Pilipinas ni Marcos na nasa P272 million ang kanilang nagastos para sa eleksyon kung saan malaking halaga dito ang ginugol umano sa television advertisements at sa mga campaign rallies.

Samantala, sa datos ng Comelec as of June 6, nasa dalawang presidential candidates pa lamang ang nakapaghain na ng kanilang SOCE, nasa apat naman para sa senatorial, 3 political parties at 34 na party-list groups.

Ayon naman kay acting poll spokesperson John Rex Laudiangco hindi pa napag-uusapan sa ngayon ng Comelec kung papalawigin pa ang nakatakdang deadline ng paghahain ng SOCE na magpapaso bukas, June 8.

Sa oras kasi na mabigong makapaghain ng SOCE ang mga nanalong kandidato pagbabawalan ang mga ito na umupo sa kanilang pwesto habang ang mga natalo naman na hindi nakapaghain ng SOCE ay kakasuhan ng adminsitrative charges at penalties mula P1000 hanggang P30,000 kabilang ang disqualification mula sa pagtakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.