Umabot na sa halos 4-milyong low income households ang nakatanggap ng kanilang cash assistance nitong mga nakalipas na linggo.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rolando Bautista, naipamahagi na raw sa mga local government units (LGUs) ang mahigit 98% ng budget na inilaan para sa cash assistance program ng pamahalaan.
“Umabot na sa mahigit ₱68.2 billion ang naipahatid sa 12.5 million na benepisaryo ng social amelioration program,” wika nii Bautista.
“Mayroon nang 459 out of 1,589 LGUs ang nakapagkamit na ng 100 percent completion rate sa pamamahagi ng social amelioration program,” dagdag nito.
Sa nasabing bilang, nasa 8.6-milyong benepisyaryo ang hindi bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), habang halos 3.8-milyong 4Ps beneficiaries na ang nakatangggap ng ayuda kung saan karamihan ay sa pamamagitan ng kani-kanilang cash cards.
Iniulat din ng kagawaran na nasa P323.3-milyon na ang naibigay sa 40,000 transport vehicle service at public utility drivers sa Metro Manila na nawalan ng pinagkakakitaan dahil sa enhanced community quarantine.
Una nang sinabi ng DSWD na kanilang tatapusin ang pamamahagi ng cash assistance sa mga kwalipikadong recipients bago matapos ang Abril.
Ngunit isang araw bago ang deadline, tanging 8.7-milyong benepisyaryo lamang mula sa target na 18-milyong low-income households ang nahandugan ng ayuda.
Kaya naman, pinalawig ni Interior Sec. Eduardo Año ng isang linggo ang distribusyon ng cash assistance sa ilalim ng social amelioration program sa Metro Manila, Cavite, Rizal, Laguna, Bulacan, Cebu City, at Davao City.
Nagbigay din ng apat na araw na extension ang ahensya sa mga LGUs na hindi kabilang sa nabanggit na mga areas na hirap din sa pamamahagi ng tulong.