Inihahanda na ang PHP7.909 bilyon na panukalang 2024 budget ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga attached agencies nito para sa presentasyon at talakayan sa plenaryo ng Senado matapos itong aprubahan ng Senate Committee on Finance’s subcommittee na pinamumunuan ni Senator Mark Villar.
Sa budget deliberation, sinabi ni Villar na inaasahan niya ang DTI at ang mga attached agencies nito na makamit ang kanilang mga layunin tungo sa mas sustainable na ekonomiya.
Gayunpaman, napansin ni Villar ang pagbaba ng budget allocation sa consumer protection, consumer education at advocacy programs sa kabila ng pagiging isa sa priority sectors para sa development agenda sa susunod na taon.
Sinabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual sa komite na ang kanilang proposed budget ay gagamitin sa pagpapalakas ng purchasing power ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtiyak ng food security, pagbabawas ng transport at logistics cost, at pagbabawas ng energy cost.
Aniya, titiyakin din ng ahensya ang maayos na macroeconomic fundamentals tulad ng pagpapabuti ng bureaucratic efficiency at maayos na pamamahala sa pananalapi.
Gayunpaman, inihayag pa ni Pascual na patuloy din na susuportahan ng DTI ang manggagawang Pilipino, gayundin ang pagpapaunlad ng micro, small at medium enterprises.