Matagumpay ang operasyon kaugnay sa pinaigtingin na kampanya ng Bureau of Customs (BOC) laban sa illegal na droga, matapos maharang sa Port of Clark ang pagtatangkang magpuslit ng mga ito.
Nabatid na libu-libong piraso ng Ecstasy tablets o “party drugs” ang nasabat ng mga otoridad na may street value na PP8.3 million.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa joint effort ng BOC Port of Clark, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Enforcement and Security Service (ESS) ng BOC – Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
Na-flag ng BOC X-ray Inspection Project ang kahina-hinalang kargamento, na pagkatapos ay isinailalim sa K9 inspection, kung saan parehong kinumpirma ang pagkakaroon ng illegal na droga.
Sa pisikal na pagsusuri sa kargamento ay nakita ang isang (1) kahon ng espresso capsules at tatlong (3) kahon ng coffee beans.
Ang mga tabletang Ecstasy ay nakatago sa mga butil ng kape sa loob ng tatlong kahon, na ipinadala mula sa Netherlands.
Ang mga sample ay inilipat sa PDEA para sa chemical analysis, na nagpapatunay na ang mga tablet ay naglalaman ng Methylenedioxymethamphetamine (MDMA), na karaniwang kilala bilang Ecstasy.
Isang Warrant of Seizure and Detention ang isinilbi laban sa shipment para sa mga paglabag sa Sections 1400, 118(g), 119(d), at 1113 paragraph f, i, at l (3 & 4) ng Republic Act No. 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng Republic Act No. 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.