Patuloy pa rin ang pagtaas ng halaga ng insentibo at premyong matatanggap ni Pinoy gymnast Carlos Yulo kasunod ng dalawang golden performance nito sa Paris Olympics.
Hanggang ngayong araw, umaabot na sa mahigit P85 million ang pinagsama-samang commitment at mga premyong matatanggap niya salig sa batas ng bansa.
Kinabibilangan ito ng tig-P10 million insentibo mula sa Philippine Sports Commission para sa bawat gintong medalya, P20 million mula sa Manny Pangilinan Sports Foundation, P6 million mula sa Kamara de Representantes, at P35 million na halaga ng real estate property at cash mula sa isang private company.
Maliban pa dito ang milyon-milyong halaga ng mga produkto na ipinangako ng malalaking production at retail companies sa bansa.
Sa kasalukuyan, ilang mga malalaking food chain na rin ang nag-alok ng libreng franchise, libreng pagkain, at iba pa.
Bagamat maaari pang tumaas ang halaga ng insentibo ni Caloy, malayong mas mataas na ito kumpara sa P50 million na halaga ng cash, kagamitan, house and lot, lifetime flights, at iba pang unang natanggap ni Tokyo gold medalist Hidilyn Diaz.
Kahapon, kinumpirma na rin ni Manila Mayor Honey Lacuna ang paghahanda ng city government para sa isang hero’s parade para kay Yulo.