Nakapagbigay na ang gobyerno ng kabuuang halagang P867.2 million na tulong sa mga komunidad na apektado ng oil spill dulot ng paglubog ng M/T Princess Empress, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sa isang pahayag, sinabi ng OCD na 42,487 pamilya sa Mimaropa, Calabarzon, at Western Visayas ang naapektuhan ng oil spill.
Sinabi ni OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, na patuloy ang kanilang isasagawang mga pagsisikap upang makabawi ang mga apektadong komunidad at sektor mula sa pagtagas ng langis.
Binanggit ni Nepomuceno na pagkatapos makumpleto ang oil spill removal operation, ihahanda ng task force ang post-disaster needs assessment (PDNA).
Ito ay para planuhin ang mga programa, proyekto, at aktibidad para sa rehabilitasyon at pagbawi ng mga apektadong lugar.
Isa sa mga highlight ng naganap na pulong ay ang resulta ng isang scientific conference na inorganisa ng OCD mula Hunyo 22 hanggang 23 bilang paghahanda para sa post-disaster needs assessment.
Tinalakay din ng task force ang pinakabagong mga ulat tungkol sa mga sample test ng tubig at isda, mga siphoning operations at iba pang usaping nauugnay sa oil spill.