Ipinahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapalakas sa bilateral labor relation nito sa bansang Finland sa pamamagitan ng isang bagong kasunduan na naglalayong matiyak ang ‘makatarungan, etikal, at ustainable na working conditions’ para sa mga skilled na manggagawang Pilipino.
Ang Joint Declaration of Intent na nilagdaan nina DMW Secretary Hans Leo Cacdac at Finland’s Economic Affairs and Employment Minister Arto Olavi Satonen ay nakatutok sa pagpapabuti ng labor mobility ng mga Filipino at kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Itinatag ng kasunduan ang isang komite na binubuo ng mga opisyal mula sa parehong bansa upang mapabuti ang mga proseso sa pagre-recruit, integrasyon ng mga manggagawa, at kabuuang transparency sa proseso ng employment. Binanggit ni Cacdac na ang relasyon ng mga manggagawang Pilipino at mga employer sa Finland ay laging maganda at marami sa mga manggagawang Pilipino roon na nakakaranas ng magandang kondisyon ng buhay at trabaho.
Ipinunto ni Finland Economic Affairs Minister Satonen na kasalukuyang mayroong 2,000 manggagawang Pilipino sa Finland umano ang labis na nasisiyahan sa kanilang performance.
Nais ng Finland na palawakin pa ang pagkuha ng mga Pilipinong manggagawa sa mga sektor ng healthcare, services, tourism, at information technology.
Kung saan aabot sa €1,600 o P96,000 ang kada buwang sahod, na may average na wages na €3,500 o katumbas ng P211,000 kada buwan.
Samantala ayon sa datos ng DMW nasa 5,000 hanggang 6,000 na mga Pilipinong naninirahan sa Finland na karamihan ay mga Overseas Filipino workers (OFWs).