KALIBO, Aklan – Nakabiyahe na pabalik ng Taiwan ang nasa 100 turistang Taiwanese na nagpalipas ng gabi sa Caticlan Airport matapos na isama ng gobyerno ng Pilipinas sa ipinatupad na travel ban ang Taiwan.
Ito ay sa harap ng banta ng coronavirus disease (COVID)-2019.
Napilitang bumalik ang AirAsia flight sa Taiwan Taoyuan International Airport matapos na pagbawalang makalabas sa paliparan ang mga turista na magbabakasyon sana sa isla ng Boracay.
Hindi umano alam ng mga pasahero ang tungkol sa travel ban na ipinatupad ng Pilipinas sa Taiwan at nalaman lamang nila ito sa kanilang paglapag sa Caticlan Airport.
Dismayado ang mga turista dahil sa naunsiyaming bakasyon, maliban pa sa kanilang gastos at pagod.
Samantala, sinabi ni Malay Mayor Frolibar Bautista na mahigpit pa rin ang ginagawang pagbabantay papasok sa Boracay.
Maliban sa itinayong tatlong border checkpoints, required din ang mga biyahero na magpakita ng pasaporte para sa verification at mag-fill-up ng health declaration card.