CENTRAL MINDANAO-Isang masayang pasko para sa mahigit isang libong kabataan na tumanggap ng regalo kay Governor Emmylou ” Lala” J. Talino- Mendoza sa isinagawang gift giving sa bayan ng Aleosan, Cotabato.
Labis ang saya at pasasalamat ng mga batang edad 3-10 taong gulang mula sa ibat ibang bayan ng unang distrito ng Cotabato, matapos mabusog at makatanggap ng mga laruan at apple ang mga ito, sa pamaskong handog ng gobernadora sa mga bata ng nasabing distrito.
Ayon kina Alex M. Gabel, walong taong gulang na taga Kabpangi Libungan, Skyler Alcantara, limang taong gulang ng Palongoguen,
Midsayap at Arian Grace Guray, apat na taong gulang ng
Katalicanan, Aleosan, masayang-masaya sila dahil kabilang sila sa mga batang nakatanggap ng regalo ngayong pasko mula sa gobernadora.
Bilang isang ina, pinaalalahanan naman ni Governor Mendoza ang mga magulang na mahalin at alagaan ng mabuti ang kanilang mga anak upang lumaki ang mga ito na responsable at mabubuting mamamayan.
Binigyan diin din nito, ang ilang karapatan ng mga kabataan na itinataguyod ng pamahalaan upang maprotektahan ang kapakanan ng mga ito. Ang mga karapatang ito ay ang: Karapatang makapag-aral, makakain ng wasto at maproteksyonan sa ano mang karahasan.
Nagpasalamat naman si Aleosan Mayor Eduardo C. Cabaya sa liderato ni Governor Mendoza dahil ang bayan nito ang napiling pagdausan ng gift giving activity ng pamahalaang panlalawigan “Isang napaka espesyal na aktibad ito ngayong panahon ng Pasko para sa mga bata,” ayon pa kay Cabaya.
Ang aktibidad na isinagawa sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ay dinaluhan nina Bise Alkalde Felimon Cayang, Jr. Municipal Councilor Jason Neil Clyde H. Cabaya, Provincial Advisory Council (PAC) members na sina dating Board Members Rosalie H. Cabaya at Vicente C. Sorupia Jr.