-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Mahigit sa 2,000 na kapulisan mula sa Police Regional Office VI (PRO-6) at iba’t ibang municipal police station ang ipinakalat sa weeklong celebration ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival na magsisimula ngayong araw ng Lunes, Enero 15 hanggang 21, 2024.

Una rito, isang send-off ceremony para deployment ng pulisya ang ginanap sa Aklan Police Provincial Office sa Camp Pastor Martelino sa Barangay New Buswang sa bayan ng Kalibo pinangunahan ni Provincial Director P/Col. Victorino Romanillos Jr.

Ang nasabing bilang ng mga awtoridad na magbabantay sa iba’t ibang activity areas ay kinabibilangan ng 44 police commissioned officers at 2,324 na police non-commissioned officers.

Maliban rito, may dagdag pang deployment mula sa augmentation forces, force multipliers at emergency responders na tutulong sa mga kapulisan.

Kaugnay nito, inihayag ni P/Lt.Col. Ricky Bontogon, chief of police ng Kalibo Municipal Police Station, nasa full alert status na ang lahat ng hanay ng pulisya upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga deboto, turista, bakasyunista at merrymakers na makilahok at makisaya sa itinuring na Mother of All Philippine Festivals.

Apela ng opisyal sa publiko na maging vigilant, aware at huwag matakot na lumapit sa mga awtoridad kung may kahina-hinala sa kanilang paligid.