-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Sa ikalawang pagkakataon, muling pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamamahagi ng lupang sakahan sa mga agrarian reform beneficiaries sa isla ng Boracay.

Ayon sa Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG), isa sa mga pakay ng Pangulo sa pagbisita sa isla sa Marso 12 ay ang pamamahagi ng titulo ng lupa o Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa ikalawang batch ng mga benepisyaryo sa nilinis na wetland number 6 sa Sitio Tulubhan, Brgy. Manocmanoc.

Mahigit sa 30 CLOA umano ang ipamimigay sa mga recipient na tinatawag na “tumandok” o mga orihinal na naninirahan sa naturang lugar.

Nabatid na ang Pangulo rin ang namahagi ng 523 na land ownership certificates sa 484 recipients kabilang ang 45 miyembro ng katutubong Ati noong Nobyembre 2018 o matapos muling buksan sa publiko ang Boracay mula sa anim na buwang pagpapasara.

Samantala, ang Boracay ang unang tourist destination na bibisitahin ng Pangulo upang mapalakas ang domestic tourism sa harap ng pagbagsak ng halos 40 porsiyento ng international tourist arrivals sa isla sa banta ng coronavirus disease (COVID 19).

Aalamin din umano nito ang nagpapatuloy na infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) lalo na ang drainage system sa Boracay.