-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Kasunod sa deklarasyon sa panahon ng tag-init, inaasahan ng Malay Tourism Office na hahakot ito ng libo-libong turista sa isla ng Boracay partikular ngayong Semana Santa.

Ayon kay Malay Tourism Officer Mr. Felix Delos Santos, kung ihahambing aniya noong nakaraang taon, inaasahan na aabot sa 50,000 hanggang 60,000 ang tourist arrival sa loob ng isang linggo sa kasalukuyang taon.

Sa katunayan aniya, noong nakaraang Marso 1 hanggang 15, umabot sa kabuuang 87,377 ang tourist arrival sa tanyag na isla.

Sa nasabing bilang, 67,772 dito ang mga domestic tourist; 720 ang overseas Filipinos; at 18, 935 naman ang foreign tourist.

Una rito, nagconvene ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan; mga stakeholders at iba pang kinauukulang ahensya kung saan, pinag-usapan at tinalakay sa pulong ang pagsapinal sa kanilang inilatag na prepasyon sa pagpasok ng summer season na panahon naman sa pagbuhos ng maraming turista sa Boracay.

Dagdag pa ni Delos Santos, buhay na buhay at masigla sa ngayon ang isla dahil sa kaliwa’t kanan na pagbalik ng mga beach parties.

Ngunit, pagsapit ng Good Friday o Biyernes Santos ay mahigpit na ipinagbabawal ang kahit anumang ingay sa Boracay batay sa umiiral na ordinansa kaugnay sa pag-obserba sa Semana Santa.