ALIBO, Aklan – Mahigit sa 6,000 mga atleta mula sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Pilipinas ang sasabak sa 31 sporting events sa 2019 Philippine Sports Commission-Batang Pinoy National Championships na ginaganap sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ayon kay coach Jovie Ote ng Aklan delegates, naging mapayapa ang isinagawang opening ceremony na pinangunahan ng mga kawani ng Philippine Sports Commission (PSC).
Sasabak aniya ang mga atleta ng lalawigan ng Aklan sa larong athletics, gymnastic, pencak silat, swimming at triathlon.
Kaugnay nito, umapela si Coach Ote sa mga magulang at mamamayan ng dasal para sa kaligtasan ng mga delegado ng Aklan partikular para sa mga atletang sasabak sa iba’t ibang laro gayundin upang makasungkit ng mga medalya.
Ang sporting events sa Batang Pinoy National Championships ay magsisimula Agosto 26 at magtatapos sa Agosto 31, 2019.
Nabatid na hawak ngayon ng Baguio City ang titulo bilang overall champion ng Batang Pinoy National Finals noog 2018.
Humakot ang Baguio City ng kabuuang 83 gold, 81 silver at 107 bronze medals para angkinin ang korona kasunod nito ang Cebu City na may 36 gold, 40 silver, at 44 bronze medals habang pumangatlo naman ang Laguna na may 34 gold, 13 silver at 31 bronze medals.
Ang mga laro na pag-aagawan ng mga medalya ng mga atleta hay ang archery; arnis; athletics; badminton; baseball; basketball; boxing; chess; dancesport; futsal; karatedo; lawn tennis; pencak silat; sepak takraw; softball; swimming; table tennis; taekwondo; indoor ag beach volleyball.
Samantala, mahigpit naman na ipapatupad ng PSC sa Batang Pinoy National Finals ang ‘Zero Plastic Policy’ alinsunod sa Presidential Proclamation No. 760 of 2014 at Republic Act 9003 na kilala din bilang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000.”