NAGA CITY- Tinangay ng hindi pa nakikilalang magnanakaw ang mahigit sa P436-K na halaga ng pera sa Purok Rose, Brgy. Poblacion Uno, Real, Quezon.
Kinilala naman ang biktima na si Rubelyn, Administrative Aide ng DENR CENRO Real, Quezon, 29-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang natutulog ang biktima sa loob ng kanyang kwarto sa 2nd floor ng kanilang bahay ng biglang magising dahil sa ingay ng monitor na nahulog malapit sa jalousie window house.
Dito na nakita ng biktima na ang kanyang 2 backpacks ang nasa malapit na sa bintana at nawawala na ang laman nitong personal na pera na nagkakahalaga ng P119,000 maging ang nasa P270,720 mula sa DENR CENRO Real na ibibigay para umano sa mga TUPAD recipients.
Sa inisyal na imbestigasyon pa ng mga kapulisan, nabatid na maliban sa pera, natangay pa ng mga kawatan ang ibat ibang mga gadgets na nagkakahalaga ng nasa P47, 000.
Sa kabuuan, natangay ng mga masasamang loob ang nasa P436,720.
Samantala, nakuha naman ang pouch ng biktima at mahabang sanga ng kahoy na ginawang panungkit sa labas ng bintana ng biktima.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad patungkol sa pangyayari at maging sa pag-alam sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.