-- Advertisements --

Pinuri ng OCTA Research Group ang mabilis na implementasyon ng Pilipinas ng international travel ban sa gitna ng Omicron variant ng COVID-19 na naitala na sa ilang mga bansa.

Ito ay kahit patuloy pang nangangalap ng impormasyon ang mga eksperto tungkol sa mga katangian ng Omicron variant.

Ayon kay OCTA Research fellow Guido David, naintindahan niya ang pangamba ng mga kababayan natin lalo pa’t gumanda na ng kalagayan ng Pilipinas, ito na ang pinakamaganda since June pa last year nung nagsisimula pa lang ‘yung first surge ng Covid-19.

Aniya, patuloy ang pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa, kabilang ang positivity rate, sa gitna ng paglawak ng pagbabakuna.

Pero ang ikinababahala ni David ay baka mas kalat na ang Omicron variant sa iba pang mga bansa.

Inaasahan rin ang hindi naman mapipigilang pag-uwi ng maraming overseas Filipino workers sa bansa.

Hindi naman aniya realistic din para sa bansa ang magpatupad ng total travel ban.

Kung hindi aniya mapigilan ang travel ban, mas mabuting higpitan ang quarantine lalo na sa mga unvaccinated kung saan gagawin itong 10 hanggang 14 na araw.

Dagdag pa ni David na nasa 38 na bansa na ang nakapagtala na ng kaso ng Omicron variant.

Magugunitang agad na nagpatupad ng travel ban ang Pilipinas sa 14 na bansa dahil sa banta ng Omicron variant, kabilang ang South Africa, kung saan ito nagmula.