Ikinagulat ng marami ang naganap na pamamaril sa northern Australia na ikinamatay ng apat na katao at nag-iwan naman ng ilang sugatan. Naganap ang insidente sa siyudad ng Darwin.
Kinilala ang suspek na si Ben Hoffman, 45 anyos. Pansamantalang nakalaya si Hoffman mula sa kulungan nang mangyari ang pamamaril.
Ayon sa mga otoridad, gamit ang shotgun ay bigla na lamang nagpa-ulan ng bala ang suspek.
Dahil sa insidente, binabalot ngayon ng maraming katanungan ang bansa kung tunay nga bang epektibo ang pagpapatupad nito ng mahigpit na batas pagdating sa pagkakaroon ng baril.
Kinumpirma rin ng mga otoridad na ang hinihinalang ginamit na pump-action 12-gauge shotgun ay maaaring ninakaw pa noong 1997.
Ito na umano ang pinaka malalang shooting incident sa Australia simula noong 1996 Port Arthur massacre at ang nangyaring murder-suicide noong nakaraang taon sa Western Australia nang patayin ng isang lolo ang kanyang buong pamilya bago bawiin ang sarili nitong buhay.