-- Advertisements --

Muling ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. sa mga lokal na pamahalaan ang paghihigpit pa sa implementasyon ng mga firecrackers ordinances sa kani-kanilang mga lugar.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas pa ng mga kaso ng firecrackers-related incident sa bansa ilang araw bago ang pagdiriwang ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Batay sa inilabas na datos ng DILG, aabot sa 1,210 LGUs ang nagsumite na ng kanilang mga ordinansa pahinggil sa pagbabawal ng paggamit ng mga mapanganib na mga paputok sa kani-kanilang mga nasasakupang lugar.

Muling paalala ni Sec. Abalos sa lahat ng mga lokal na pamahalaan na pangunahan ng mga ito ang pagtiyak na malalayo sa disgrasya ng mga paputok ang ating mga kababayan ngayong Holiday Season sa pamamagitan ng pagsiguro na napapairal ang naturang mga ordinansang kanilang isinumite.

Kung maaalala, batay sa inilabas na listahan ng Philippine National Police ay kabilang sa mga ipinagbabawal na mga paputok ay ang Five Star, Pla-Pla, Piccolo, Goodbye Philippines, Goodbye Bading, Goodbye Hamas, Giand Bawang, Watusi, Atomic Triangle, Sinturon ni Hudas, Super Yolanda, Super Lolo, at Coke-in-Can.

Samantala, bukod dito ay una na ring sinabi ng PNP na mahigpit din ang kanilang isasagawang cyber-patrolling para sa layuning tuluyang pagsawata sa mga ilegal online sellers ng mga ipinagbabawal na pagputok sa ating bansa.